Sunday, September 30, 2012

Meta-narrative

Isang meta-narrative na hinahawakan ko (at lalo na ang magulang ko) ay ang paniniwala na masmaganda ang buhay kapag Atenista, na ang pagiging Atenista ay nakakapagbukas ng mga bagong pintuan o at the very least ay ginagawang madali ang pagpasok sa mga ibang pintuan. Na ang pagiging isang graduate ng Ateneo de Manila University ay mapapasiguradong mapupunta sayo ang P15,000/month fresh-graduate na trabaho at hindi sa katabi mo sa labas ng HR department na graduate ng UST o Generic Non-Big 4 College. Ang pagiging Atenista nga naman ay nakakabit sa mga salitang masipag, matalino, at mayaman: mga gusto ng mga kompanya sa mga aplikante. 

Sa madaling salita:


Lumalabas dito ang isang dilemma: karapat-dapat ba na makuha ko ang trabaho dahil lang Atenista ako? Baka naman yung katabi kong taga Generic Polytechnic eh masmatalino pa sa akin? Kung meritokratiko ang proseso ng pagpili ng employado, makukuha si taga Generic Polytechnic. Pero hindi gaanon ang karamihan sa mga HR Department. Masmahalaga ang nakasulat sa diploma kaysa sa  kaaalaman sa utak. Isang kaso ng judging the book by its cover? Siguro. Pero ano ngayon kung hindi sila ang nakakuha ng trabaho? Problema na nila yun! HAHAHAHAHAHAHAHAHA (It's a dog eat dog world....)

Ay wait, dapat pala "person for others" ako. :| Sorreh.


Bilang pangontra sa "ang relihiyon ay isang malaking meta-narrative", ang meta-narrative ko ay walang diyos. Nakakatamad magsimba eh. Yun lang. Naniniwala ako sa ipa bang masamakabuluhang dahil kung bakit wala ang diyos, pero ang pinakaugat ng aking pagiging erehe ay ang aking katamaran. Isang mababaw na dahilan, pero ito'y dahilan pa din.

Siguro ang pinakamalaking meta-narrative na hinahawakan ko ay ang aking munting salin ng The American Dream: kapag nagtapos ako ng kolehiyo, nakakuha ng magandang trabaho, makakabili ako ng maliit na two-story na bahay sa isang generic na subdivision sa siyudad na may konkretong pader para di makita ang kapitbahay (lagyan na din ng mga basag na bote para sa mag akyat-bahay), bakal na gate, at lumang segunda-manong Hapon na compact car. Siguro Kia Pride. Mahilig ako sa Kia Pride. Hindi ko alam kung bakit. O kaya box-type na Lancer. Isang mababang pangarap, pero kaunti lang naman ang hinihingi ko sa mundong ito: matalik na kaibigan, masarap na alak at yosi, magandang kompyuter, at mabilis na internet connection para sa mga "espesyal na pangangailangan".

The Kenian (o Kenyan? Pero di naman ako mabilis tumakbo. :( ) Dream

Pero, ako'y isang pa lamang batang idealistiko at wala pang kaalam-alam sa totoong mundo. Sabi nga ng Apo Hiking Society sa kanilang hit-single na Batang Bata Ka Pa, "Macho Gwapito Daw Ako." Hindi na siguro magiging sapat ang Kia Pride pagkatapos ng 15 na taon: masmaganda siguro mag box-type na Lancer na lang ako. Hindi na rin siguro magiging maganda ang pagyoyosi at paginom sa pagtanda. Kung hindi lung cancer o liver failure, meron namang lintek na sin tax. (Oo nga pala, diba Marlboro = 'Kano = Postkolonyalismo?)

Iilan lang yan sa mga meta-narrative sa buhay ko. Sobrang dami pa, tulad ng masmasarap ang luto ni payaso kaysa kay bubuyog, pang mayaman lang ang JSEC (you know pare...), masmasarap ang Coke kaysa sa Pepsi, etc, etc, pero 12:11AM na at kailangan ko na matulog.

Wednesday, July 25, 2012

Mutya


Noong nakaraang Miyerkules, pinanood namin ang Mutya. Ito'y isang palabas na binubuo ng dalawang tula: Mga Santong Tao at Ang Sistema Ni Propesor Tuko. Noong una ay medyo mababa ang aking mga ekspektasyon mula dito. Hindi pa kasi ako nakakapanood ng kahit anong dula at inaabangan ko na magiging boring ito. Buti na lang mali pala ako. :D

Nahirapan akong intindihin ang Mga Santong Tao dahil pa-tula ang dyalogo at malalim ang mga ginamit na salita. Dahil dito, napilitan akong sundan na lamang ang storya sa mga aksyon ng mga aktor. Maganda talaga ang pagsalita at pagganap ng mga aktor; makikita mo na talagang pinaghandaan nila ang kanilang mga papel sa dula. Malakas at walang tigil ang pagsalita; walang mga “awkward silence”. Maganda din ang kanilang mga pagkilos. Nakakatuwa ito at angkop sa kanilang mga sinasabi. Maganda din ang set design; bagay ito sa storya at mukha

Para sa akin, ang Mga Santong Tao ay pinaghalong tradisyunal at moderno. Parehas itong nagpakita ng elementong ideyal at realistiko. Isang halimbawa dito ay ang piniling trabaho ng babaeng bida para maahon sila sa kahirapan (sa aking pagkakaintindi): prostitusyon. Ito'y moderno sapagkat pinapakita nito ang mga ginagawa ng tao para umahon sa kahirapan. Pero tradisyunal din ito dahil pinakita ito sa isang magaan at nakakatawang paraan. Sa huli, naparusahan din ang mga kontrabida at tumagumpay ang mga bida: isa pang karaniwang katangian ng tradisyunal na panitikan. Siguro kung ilalagay ito sa numero, mga 80% tradisyunal at 20% moderno ito.

Ang sumunod na dula ay ang Sistema Ni Propesor Tuko. Katulad ng Mga Santong Tao, ito'y lumagpas sa aking inaasahan. Magaling ang mga aktor, maganda ang set design, at nakakatuwa ang mga aksyon at dyalogo. Ang SNPT ay umiikot sa mga estudyante ng Grade 4 – Blue at ang kanilang terror prof na si Propesor Tuko (o Two-Co). Sa una ay takot at galit ang mga estudyante kay Two-Co pero sa huli ay nagkaintindihan sila. Tulad ng MST, ang SNPT din ay halong tradisyonal at moderno. Ito'y moderno sapagkat pinapakita nito ang ilan sa mga isyu ngayon sa ating lipunan: ang kahirapan at bulok na sistema ng edukasyon. Mabigat at nakakalungkot at mga isyu na ito pero pinakita ito sa nakakatawang paraan. Sa huli ay nagkaayos din ang lahat, isa pang katangian ng tradisyunal na panitikan. Kung ilalagay ito sa numero, mga 65% tradisyunal at 35% moderno ito.

Friday, July 13, 2012

Tradisyonal Vs. Moderno





Tradisyonal vs. Moderno

Tradisyonal at moderno: dalawang salita na lagi nating naririning tuwing may usapan ukol sa panitikan. Pero, ano nga ba ang talagang kahulugan nila? Para sa mga walang alam sa panitikan (tulad ko) mababaw lang ang kahulugan ng mga salitang ito. Ang tradisyonal na panitikan ay... [surprise!] tradisyonal at ang modernong panitikan ay [surprise ulit!]... moderno! Sa isang aspeto, tama ito. Oo, ang mga tradisyonal na panitikan ay masasabi natin na makaluma dahil nagsimula pa ito sa panahon ng mga Griyego at masasabi din natin na ang modernong panitikan naman ay makabago dahil nagsimula lang ito noong mga bandang ikawalong siglo. Pero, mababaw lang ito na interpretasyon. Ang totoo nilang pagkakaiba ay makikita sa tema na ipanapakita nila.

Sa madaling salita, ang tradisyonal na panitikan ay ideyal pero ang modernong panitikan ay realistiko. Ang tradisyonal na panitikan (mula ngayon ito ay tatawagin na lamang na "TNP") ay nagpapakita ng isang ideyal o perpektong bersyon ng buhay samantalang ang modernong panitikan ("MNP") ay nagpapakita naman ng realistikong bersyon nito, masama man o maganda.

Para masmadaling maintindihan, ito'y isang halimbawa:

Tradisyonal

Si Pedro ay isang simpleng security guard sa mansyon ng pamilya Mariclara. Isang araw, nailigtas niya si Georgina Mariclara, ang anak ng kanyang amo na si Rodrigo Mariclara, mula sa mga kidnapper na nakasakay sa Puting Mitsubishi L300™. Pagkatapos nito, nagkaroon ng relasyon si Georgina at si Pedro. Isang araw, nalaman ni Rodrigo ang relasyon ng kanyang anak at ang kanilang security guard. Nagalit si Rodrigo, dahil siyempre, mayaman sila at mahirap si Pedro. Pero, dahil Love Conquers All™, lumayas sina Georgina at Pedro para Magsama Sila Habangbuhay™. Pero, sa araw bago ang kanilang kasal, nalaman ni Georgina na si Pedro pala ay ang kanyang Nawawalang Kapatid. Sa kabila nito, nagkasal pa din sila dahil Love Conquers All™ nga diba? 



Moderno

Si Pedro ay isang simpleng security guard sa mansyon ng pamilya Mariclara. Isang araw, nailigtas niya si Georgina Mariclara, ang anak ng kanyang amo na si Rodrigo Mariclara, mula sa mga kidnapper na nakasakay sa Puting Mitsubishi L300™. Pagkatapos nito, nagkaroon ng relasyon si Georgina at si Pedro. Isang araw, nalaman ni Rodrigo ang relasyon ng kanyang anak at ang kanilang security guard. Nagalit si Rodrigo, dahil siyempre, mayaman sila at mahirap si Pedro. Pero, dahil Love Conquers All, lumayas sina Georgina at Pedro para Magsama Sila Habangbuhay. Pero, dahil nga simpleng security guard lang si Pedro, hindi niya kayang suportahan ang maluhong buhay ni Georgina na nakasanayan niya sa mansyon de Mariclara. Dahil sa kakulangan ng pera, naghiwalay na si Georgina at Pedro. Matapos nito, nalaman ni Pedro na Isa Pala Siyang Bakla™. Ipapakita naman ngayon ang diskriminasyon laban kay Pedro dahil Mapang-Api Ang Lipunan Na Ginagalawan Natin™. Matapos ang ilang minutong pagpapakita ng squatter's area ni Pedro gamit ang Black and White™ effect at Camerang Sobrang Gulo Hindi Mo Na Makita Ang Nangyayari™ (indie nga diba?) nanalo ang direktor sa Cannes Film Festival.



Sa TNP, perpekto o ideyal ang imahe ng buhay. Isang gasgas na gasgas na halimbawa nito ay ang Love Conquers All™. Kahit ano man mangyari, kahit sino man ang umepal, magkakatuluyan pa din ang babae at lalaki. Meron bang teleserye na hindi nagkatuluyan ang magkasintahan? Sa totoong buhay, kadalasan hindi Love Conquers All™. Nangyayari ang pagkabiyak ng puso at pagbanka sa dalawang ilog. Dito pumapasok ang modernong panitikan. Sa modernong panitikan, realistiko ang storya. Love Does Not Conquer All at hindi Nagsasama Habang Buhay™. Sa halip, ilan sa mga karaniwang tema na makikita sa mga Pinoy Indie Films (na isang uri ng modernong panitikan) ay Mapang-Api Ang Lipunan Na Ginagalawan Natin™ at Kahirapan™. Pero hindi ibig-sabihin na hindi pwedeng maging masaya ang modernong panitikan. Basta realistiko ang pagpapakita sa kasiyahan, maituturing moderno pa din ito. 

Wala din masyadong puting L300 sa modernong panitikan, Suzuki APV na yung uso ngayon.




Friday, July 6, 2012

Ang Mangga

Ang Mangga

Ngayon linggo sa Filipino, gumamit kami ng mangga sa klase. Oo, mangga. Ito'y isang kakaibang materyales sa klase, pero eto talaga ang ginamit namin. "Experiental learning" nga, ika ni Sir Jet. Pinadala kami ng mangga dahil ang tula namin ngayon ay may kinalaman sa mangga at pagbasa ng tula. Sa unang tingin ay parang walang kinalaman ang dalawang bagay na ito, pero kapag binasa mo ang tula, makikita mo ang koneksyon. Ang tula ay ang "Payo sa Mambabasa ng Tula" na isinulat ni Rolando S. Tinio. Dito, kinukumpara niya ang pagbasa ng tula sa pagbalat at pagkain ng mangga.

Ang unang parte ay ang pisikal na anyo ng mangga. Ang hugis, laki, timbang, kulay, amoy, at lasa nito. Ito ang una nating napapansin sa mangga bago nating kainin. Sa tula, ito ay ang pamagat at anyo nito. Kapag nagbabasa tayo ng tula, hindi natin kaagad napapansin ang nilalaman nito, sa halip, una nating napapansin ang pisikal na anyo nito. Ano ang ba ang anyo nito? A-B-A-B ba o malayang taludturan? Ilan ang saknong? Tumutugba ba ang mga linya? Sa PsMnT, malaya ang taludturan at walang tiyak na bilang ng linya sa bawat saknong. Merong saknong na pito ang linya samantalang meron din na isa lang ang linya. Meron din mga tula na may tiyak na anyo at bilang ng linya. Sila'y parang mga mangga na may iba't ibang itsura. May mga mangga na dilaw, berde, makinis, o magaspang tulad ng mga tula na may iba't ibang itsura sa anyo nila.

Sunod ay ang laman ng mangga. Ang katumbas naman nito sa tula ay ang mismong nilalaman nito. Tulad ng laman ng mangga, kailangan maingat tayo sa "pag-kain" o pagbasa ng tula. Kailangan hindi lang tayo nagbabasa o kumakain; kailangan "mahalin" natin ito. Sa mangga, kailangan pang-kommersyal ang itsura natin habang kumakain; sa tula, kailangan gusto natin ang binabasa natin at hindi parang pinilit lang tayo basahin ito. Kailangan din unawaan natin mabuti ang tulang binabasa natin at hindi binabasa lang ng mata. Kailangan kasama din ang utak sa pagbasa. Kapag hindi pa tayo nabusog sa isang pagbasa, ulitin ito para maunawaan ng mabuti. Huwag din natin madaliin ang pag-kain, bigyan natin ito ng sapat na oras para malasap ang tunay na lasa nito.

Maikukumpara naman ang buto sa kahulugan ng tula. Matapos kainin ang laman, ang buto na lang ang natitira. Pero kahit na nabasa na ang nilalaman, hindi pa din malinaw ang tunay na kahulugan. Ito'y dahil ang buto ay natatakpan ng mga buhok-buhok o "fibers" na nagtatago sa totoong anyo ng buto. Dahil hindi natin nakikita ang totoong anyo ng buto, masasabi ba natin na may isang totoong kahulugan ang tula? O baka meron lang tayong sariling interpretasyon kung ano talaga ang hitsura ng buto?