Tradisyonal vs. Moderno
Tradisyonal at moderno: dalawang salita
na lagi nating naririning tuwing may usapan ukol sa panitikan. Pero,
ano nga ba ang talagang kahulugan nila? Para sa mga walang alam sa
panitikan (tulad ko) mababaw lang ang kahulugan ng mga salitang ito.
Ang tradisyonal na panitikan ay... [surprise!] tradisyonal at ang
modernong panitikan ay [surprise ulit!]... moderno! Sa isang aspeto,
tama ito. Oo, ang mga tradisyonal na panitikan ay masasabi natin na
makaluma dahil nagsimula pa ito sa panahon ng mga Griyego at masasabi
din natin na ang modernong panitikan naman ay makabago dahil
nagsimula lang ito noong mga bandang ikawalong siglo. Pero, mababaw
lang ito na interpretasyon. Ang totoo nilang pagkakaiba ay makikita
sa tema na ipanapakita nila.
Sa madaling salita, ang tradisyonal na
panitikan ay ideyal pero ang modernong panitikan ay realistiko. Ang
tradisyonal na panitikan (mula ngayon ito ay tatawagin na lamang na
"TNP") ay nagpapakita ng isang ideyal o perpektong bersyon
ng buhay samantalang ang modernong panitikan ("MNP") ay
nagpapakita naman ng realistikong bersyon nito, masama man o maganda.
Para masmadaling
maintindihan, ito'y isang halimbawa:
Tradisyonal
Tradisyonal
Si Pedro ay isang simpleng
security guard sa mansyon ng pamilya Mariclara. Isang araw, nailigtas
niya si Georgina Mariclara, ang anak ng kanyang amo na si Rodrigo
Mariclara, mula sa mga kidnapper na nakasakay sa Puting Mitsubishi
L300™. Pagkatapos nito, nagkaroon ng relasyon si Georgina at si
Pedro. Isang araw, nalaman ni Rodrigo ang relasyon ng kanyang anak at
ang kanilang security guard. Nagalit si Rodrigo, dahil siyempre,
mayaman sila at mahirap si Pedro. Pero, dahil Love Conquers All™,
lumayas sina Georgina at Pedro para Magsama Sila Habangbuhay™.
Pero, sa araw bago ang kanilang kasal, nalaman ni Georgina na si
Pedro pala ay ang kanyang Nawawalang Kapatid. Sa kabila nito,
nagkasal pa din sila dahil Love Conquers All™ nga diba?
Moderno
Si Pedro ay isang simpleng
security guard sa mansyon ng pamilya Mariclara. Isang araw, nailigtas
niya si Georgina Mariclara, ang anak ng kanyang amo na si Rodrigo
Mariclara, mula sa mga kidnapper na nakasakay sa Puting Mitsubishi
L300™. Pagkatapos nito, nagkaroon ng relasyon si Georgina at si
Pedro. Isang araw, nalaman ni Rodrigo ang relasyon ng kanyang anak at
ang kanilang security guard. Nagalit si Rodrigo, dahil siyempre,
mayaman sila at mahirap si Pedro. Pero, dahil Love Conquers All,
lumayas sina Georgina at Pedro para Magsama Sila Habangbuhay. Pero,
dahil nga simpleng security guard lang si Pedro, hindi niya kayang
suportahan ang maluhong buhay ni Georgina na nakasanayan niya sa
mansyon de Mariclara. Dahil sa kakulangan ng pera, naghiwalay na si
Georgina at Pedro. Matapos nito, nalaman ni Pedro na Isa Pala Siyang
Bakla™. Ipapakita naman ngayon ang diskriminasyon laban kay Pedro
dahil Mapang-Api Ang Lipunan Na Ginagalawan Natin™. Matapos ang
ilang minutong pagpapakita ng squatter's area ni Pedro gamit ang
Black and White™ effect at Camerang Sobrang Gulo Hindi Mo Na Makita
Ang Nangyayari™ (indie nga diba?) nanalo ang direktor sa Cannes
Film Festival.
Sa TNP, perpekto o ideyal
ang imahe ng buhay. Isang gasgas na gasgas na halimbawa nito ay ang
Love Conquers All™. Kahit ano man mangyari, kahit sino man ang
umepal, magkakatuluyan pa din ang babae at lalaki. Meron bang
teleserye na hindi nagkatuluyan ang magkasintahan? Sa totoong buhay,
kadalasan hindi Love Conquers All™. Nangyayari ang pagkabiyak ng
puso at pagbanka sa dalawang ilog. Dito pumapasok ang modernong
panitikan. Sa modernong panitikan, realistiko ang storya. Love Does
Not Conquer All at hindi Nagsasama Habang Buhay™. Sa halip, ilan sa
mga karaniwang tema na makikita sa mga Pinoy Indie Films (na isang
uri ng modernong panitikan) ay Mapang-Api Ang Lipunan Na Ginagalawan
Natin™ at Kahirapan™. Pero hindi ibig-sabihin na hindi pwedeng
maging masaya ang modernong panitikan. Basta realistiko ang
pagpapakita sa kasiyahan, maituturing moderno pa din ito.
Wala din masyadong puting L300 sa modernong panitikan, Suzuki APV na yung uso ngayon.
No comments:
Post a Comment